THE SAD PLIGHT OF FLOR CONTEMPLACION'S CHILDREN AFTER HER EXECUTION IN 1995

Napapaiyak si Russel Contemplacion sa tuwing naririnig nito ang kantang "Kahit Konting Awa," na inawit ni National Artist for Film and Broadcast Arts Nora Aunor.

Sumasagi sa isip ni Russel ang kanyang ina na si Flor Contemplacion, na binitay sa Singapore noong March 17, 1995.

Nahatulan si Flor ng kamatayan dahil sa paratang na pinatay niya ang kapwa Filipino domestic helper na si Delia Maga at ang alaga nito, ang three-year-old Singaporean na si Nicholas Huang, noong May 4, 1991.

Read: Flor Contemplacion's daughter remembers executed domestic helper on her 28th death anniversary

Bukod sa mahusay at madamdaming pag-awit sa "Kahit Konting Awa," na theme song ng The Flor Contemplacion Story, si Nora ang gumanap na Flor sa isinalin sa pelikulang kuwento ng buhay ng ina ni Russel.

Huling nagkita sina Nora at Russel sa rally ng MIGRANTE sa Plaza Miranda noong March 17, 2015. Mahigpit na yakap ang iginawad nila sa isa’t isa.

"Nung 20th death anniversary po ni Mama, nagkita kami ni Nora Aunor sa Plaza Miranda. Pagkakita ko sa kanya, grabe ang iyak at yakap ko sa kanya," kuwento ni Russel sa pakikipag-usap niya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ngayong Sabado ng gabi, March 18, isang araw matapos gunitain ang ika-28 anibersaryo ng pagbitay sa kanyang ina.

PHOTO: Bulatlat.com

WHAT HAPPENED TO FLOR CONTEMPLACION'S FAMILY?

Napakalungkot ng pagkakaawit ni Nora sa "Kahit Konting Awa."

Kasing-lungkot ito ng mga nangyari sa buhay ng tatlo pang anak nina Flor at Efren Contemplacion: si Xandrex at ang kambal na sina Jonjon at Joel.

Ang tatlo ang gumanap sa kanilang mga sarili sa pelikula ng Viva Films, ang The Flor Contemplacion Story, na ipinalabas sa mga sinehan noong June 1995.

Si Russel ang pangalawa at nag-iisang babaeng anak nina Flor at Efren.

Noong March 2011, habambuhay na pagkakakulong at pagbabayad ng kalahating milyong piso ang hatol ni Judge Agripino Morga ng San Pablo City Regional Trial Court Branch 32 kina Xandrex, Jonjon, at Joel Contemplacion.

Ito ay dahil sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot, sa Barangay Sta. Isabel, San Pablo City, na isang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakulong din noon sa San Pablo City Jail ang asawa ni Flor na si Efren at ang live-in partner nitong si Violeta dahil din sa drug pushing.

Napag-alaman ng PEP.ph ang malungkot na kapalaran nina Xandrex, Jonjon, at Joel nang aming kumustahin kay Russel ang kalagayan ng kanyang mga kapatid na nakapiit sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Ayon kay Russel, "Si Jonjon po, nakakulong sa Medium Security Jail. So, medyo may chance na malapit na raw na makalaya pero hind sure kung kailan.

"Si Joel po, nasa Maximum Security Jail pa rin dahil medyo nagkakaproblema po yata."

PHOTO: Courtesy of Russel Contemplacion

Joel (left) and Jonjon (right) Contemplacion

Ipinaalam din ni Russel sa PEP.ph na namatay na ang panganay niyang kapatid na si Xandrex noon pang 2012.

"Si Kuya Xandrex po, namatay noong September 1, 2012. Sa Bilibid na rin po siya namatay.

"Ang sabi po, sakit ang kanyang ikinamatay, pero may mga nagsasabi na may foul play na nangyari. Inilibing po siya sa tabi ng mama namin."

PHOTO: Screenshot from AP Archive YouTube

Xandrex Contemplacion

Ayon pa kay Russel, "Si Papa Efren po, nakalabas na ng kulungan dahil iba naman ang kaso niya sa kaso ng mga kapatid ko.

"Sixty-eight years old na siya at nakatira sa Bataan. Sila pa rin ni Violeta ang magkasama.

"Pumupunta po siya dito sa Quezon City kapag schedule ng general checkup niya. Dito ko po siya ipinapa-checkup." 

PHOTO: Screenshot from AP Archive YouTube

Efren Contemplacion

HOW IS RUSSEL CONTEMPLACION?

Hindi alam ni Russel ang dahilan ng pagkakasangkot ng kanyang mga kapatid sa pagbebenta ng mga ilegal na droga dahil naninirahan na siya noon sa Maynila. Pero naisip niyang maaaring may kinalaman ang nangyari sa kanilang ina na labis na dinamdam noon nina Xandrex, Jonjon, at Joel.

"Iba po yung may magulang na gumagabay sa mga anak nila," sabi ni Russel, na may apat na anak at hiwalay na rin sa kanyang asawa.

Nagbuntis si Russel sa edad na 17.

Walong buwan na ang sanggol sa kanyang sinapupunan nang lumipad sila ng mga kapatid niya sa Singapore para dalawin ang kanilang ina sa Changi Women’s Prison and Drug Rehabilitation Center noong March 1995.

Isinilang ni Russel ang kanyang panganay na anak habang nakaburol si Flor sa tahanan nila sa San Pablo City.

Dahil kulang sa buwan ang sanggol, ipinanganak ni Russel ang anak na  may diperensiya. Namatay ang panganay na anak niya noon ding 2012.

Lahad ni Russel, "Nanganak ako noong nakaburol si Mama. Nakatira pa po kami noon sa in-laws ko.

"After a year, nagsarili na kami. Kung nabuhay po yung panganay ko, 28 years old na siya.

"Special child ang anak ko dahil eight months lang siya nang ipanganak ko. Naging bedridden siya.

"Namatay siya noong August 2012, halos nauna lang siya sa kuya ko.

"Ang findings po ay sepsis impetigo. Nalason po yata ang dugo niya."

PHOTO: AP YouTube / Russel Contemplacion

Russel Contemplacion then and now

Bahagi ng kuwento ng The Flor Contemplacion Story ang pagkakaroon ni Efren ng ibang karelasyon habang nagtatrabaho si Flor sa Singapore bilang domestic helper.

Si Jaclyn Jose ang gumanap na other woman ni Efren, na ginampanan naman ni Julio Diaz.

Neneng ang pangalan ng karakter niya sa pelikula. Pero Sa tunay na buhay, Ellen ang pangalan ng dating kinakasama ni Efren.

Hanggang ngayon, kasundo ni Russel si Ellen. Pero namumuhay na si Ellen nang solo mula nang makipaghiwalay kay Efren.

Sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaraanan ng kanilang pamilya, nananatiling matatag at puno ng pag-asa si Russel.

Ipinagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa edad na 45.

"Nagtatrabaho po ako sa Congress. Under po ako ng Engineering Department.

"Nag-aaral po ako ngayon ng BS Entrepreneurship, yung offered course po sa Congress. Parang scholarship sa mga empleyado. Sana po kayanin ko hanggang dulo," sabi niya.

2023-03-18T16:16:08Z dg43tfdfdgfd